Isinulat ni: Dana Barluado at Arjay Villasante
Ang unang episode ng Voice of the Youth (VOTY) Radio ay matagumpay na umere noong ika-30 ng Marso, taong 2019, mula alas onse ng umaga hanggang ala una ng hapon.
Sa pagbabalik ng VOTY Network sa radyo, sina Kuya Kiko at Papa Lem ang nagsilbing host ng programa at ang naging mga youthcasters naman ay sina Monique Fernandez, Kriz Pascual, Gideon Bayona at Jay Matthew Biñas na siyang naghatid ng nag-aatikabong mga balita. Ang unang panauhin naman ng Bilib Kami Sa’yo o Join Ka Dito segment ng programa ay si Mr. Francis Cuarentas, Youth Affairs and Development Officer III ng Youth Affairs and Development Office na bahagi ng City Mayor's Office ng General Santos City (CMO-YADO). Tinalakay nito ang gaganaping World Youth Camp ngayong Abril 14 hanggang Abril 17 na lalahukan hindi lang ng Kabataang Heneral, kundi ng iba pang young people sa buong mundo. Ang World Youth Camp ay bahagi ng malawakang Gensan Summer Youth Festival ngayong taon.
Nakausap din nina Papa Lem at Kuya Kiko sa telepono ang binansagang Voice Master ng Pilipinas na si Pocholo De Leon Gonzales, kasama ang mga voice actors galing sa Creativoices Productions at The Voice Master's League, na nagpamalas naman ng galing sa Voice Acting Performance gamit ang boses ng iba't ibang sikat na personalidad.
Ang dalawang oras na programa ng VOTY ay binubuo ng "Katinig Newscast (News for the Youth)", "What Do You Think?", "Join Ka Dito", at "Jam Kabataan" segments. Tinalakay ng programa ang mga napapanahong balita mapalokal man, nasyonal at maging internasyonal. Binigyang-diin ng programa ang mga isyu na hinaharap ng kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng opinyon ukol dito.
Ang Voice of the Youth Network ay gawa ng Kabataan, at para sa Kabataan. Ang organisasyong ito ay naglalayon na mapakinggan ang boses ng kabataan sa pamamagitan ng balitaan na tapat, positibo, makabuluhan at walang kinikilingan.
Mapapakinggan ang Voice of the Youth Radio Nationwide tuwing Sabado, alas onse ng umaga hanggang ala-una ng hapon sa 91.1 Pacman Radio Gensan. Pwede rin maki-tune in ng live sa facebook page ng Pacman Radio o sa website nito na www.pacmanradio.com
Sa susunod na Sabado, huwag kalimutang sumabaybay sa Voice of the Youth Radio Nationwide kung saan makakasama natin ang Sangguniang Kabataan (SK) Gensan Federation President na si Mr. John Salvador Demdam. Abangan!
No comments:
Post a Comment