VOTY Network kabilang sa 9 na organisasyong pangkabataang uupo sa General Santos City Youth Development Council - Voice Of The Youth Network

Breaking

Home Top Ad

Post Top Ad

24 Aug 2020

VOTY Network kabilang sa 9 na organisasyong pangkabataang uupo sa General Santos City Youth Development Council

Kuha ni Briane Casas


GENERAL SANTOS CITY, August 24, 2020 – Sa pangunguna ni Sangguniang Kabataan Federation – Gensan president John Salvador D. Demdam at ng Office of the City Mayor - Youth Affairs and Development Office (CMO-YADO), muling ginanap ang General Santos City Youth Development Council (GSCYDC) elections noong ika-19 ng Agosto – kung saan siyam na mga youth organizations at youth-serving organizations ang mga nabigyan ng puwesto sa nasabing konseho.

Alinsunod sa Republic Act No. 10742, o ang “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015,” ang mga uupong kabataang indibidwal mula sa iba-ibang grupo ay magpapanukala ng mga polisiya at mga programang naka-sentro sa kabataan sa loob ng tatlong taon. Makikibahagi rin ito sa mga plano ng lokal na pamahalaan ukol sa usaping pangkabataan.

“Napaka-importante na nabuo ang YDC sa lungsod ng Gensan dahil ito ay isang daan upang mabigyan ng boses ang mga kabataan lalo na sa iba’t ibang sector o uri ng usapin sa lipunan,” ani Demdam.

Sa pamamagitan ng mga aktibong miyembro ng GSCYDC na nagrerepresenta ng kanya-kanyang adhikain at naglalayon na mapasaayos ang iba’t ibang usaping sektor sa lipunan, inihayag ni Demdam na makakatulong ang konseho sa pagbibigay-alam ng mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng pandemya: “Ang paghihikayat na manatili sa loob ng bahay at gawin ang mga direktiba ng gobyerno, maging ang pagbibigay ng tulong-kaalaman.”

Dagdag pa nito, maaaring mag-endorso o gumawa ang GSCYDC ng “resolusyon o mga abiso sa kung ano ang mga dapat gawin o pwede pang gawin ng mga kabataan, lalo na ng mga Sangguniang Kabataan dito sa Gensan.”

Isa sa mga uupo bilang tagapagsulong ng adbokasiyang Active Citizenship sa GSCYDC ang organisasyong Voice of the Youth (VOTY) Network. Ayon sa tagapagpangasiwa ng VOTY na si Harlem Jude P. Ferolino, pinaplanong palawakin ng organisasyon na gamiting plataporma ang social media upang makalikha ng mga “live online podcast” at iba pang programang tinatampok ang mga positibong nagawa ng kabataan para sa bayan, at mga oportunidad na maaaring makapag-uunlad ng kanilang mga kakayahan.        

       "Hinihikayat namin ang mga kabataan na maging aktibo at makiisa sa pagiging positibong pagbabago sa pamamagitan ng aming mga online programs, kung saan nila malalaman ang mga paraan upang makakalahok sa mga proyekto o maging tagapagsalita na rin ng kani-kanilang mga grupo sa pagbibigay ng inspirasyon sa kapwa kabataan,” ani Ferolino.

Bukod sa VOTY, kabilang sa mga nahalal na miyembro ng GSCYDC ang sumusunod: Student Supreme Government (SSG) Federation para sa adbokasiyang Edukasyon; Pink Salmon para sa Kalusugan; Pag-asa Youth Association of the Philippines (PYAP) para sa Economic Empowerment; Batang Star  Philippines, Inc. para sa Social Inclusion & Equity; Kidlikasan para sa Kalikasan; Teen Support Group (TSG) para sa Peace-Building & Security; Kabataang Pangarap ni Rizal (KaPaRiz) para sa Good Governance; at Global Institute for Youth Development (GIYD) para sa Global Mobility.



Nagpapasalamat naman si Robert Bulnes Apurada, Administrative Aide V ng CMO-YADO at dating GSCYDC focal person, sa mga kabataang nakilahok sa eleksyon ng konseho dahil ayon sa kanya, isa itong pag-usad na hindi na lang nagiging benepisyaryo ang kabataan sa mga programa ng LGU, kung hindi bahagi na rin sila sa pagsasabatas ng mga programa para sa buong kabataang Heneral.

“By this active engagement, we expect Bottom-Up plans and programs and we look forward to implementing, documenting and replicating what works best for the youth. Let us remember that in this era of global citizenship, we work not just to make the best of every young General, but to make each and every young General the best for the world,” dagdag ni Apurada.  


Ulat ni Selina Dan – VOTY

No comments:

Post a Comment

Post Bottom Ad